TUGUEGARAO CITY, Cagayan --- 'Di na nakapalag pa ang isang 31-anyos na ginang matapos mahulog sa ikinasang entrapment operation ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) Cagayan Valley sa kasong child abuse at human trafficking sa lungsod na ito kamakalawa.
Kinilala ng NBI-Cagayan Valley ang suspek na si Grace Aligado, nangungupahan lamang sa Soldiers Hill sa nabangit na lugar at tubong Antique.
Ayon sa NBI-Cagayan Valley, nagpasaklolo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 matapos itawag ng isang concerned citizen mula sa Soldiers Hill sa lungsod na may nagbebenta ng sanggol sa halagang P15,000.
Dito na agad umaksyon ang NBI at DSWD kung saan ay isang operatiba ang nagpanggap na buyer ng sanggol dala ang marked money kung saan dito na hinuli ang suspek kasama ang paslit na wala pang isang buwan.
Nabatid din sa NBI na ang sanggol ay iniluwal nito sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) noong Disyembre 13, 2012 matapos mabuntis sa kanyang kasintahan mula sa lalawigan ng Apayao at kaya niya umano ito ibinebenta ay upang pagtakpan ang kasalanang nagawa dahil ito ay may asawa sa Antique.
Sa kasalukuyan ay hinihintay na lamang ng NBI ang kumpirmasyon mula sa CVMC kung dito nga talaga isinilang ang sanggol at kung tunay ngang ina ng paslit ang suspek habang nasa kostodiya ng awtoridad.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=64176.0