𝗜𝗞𝗔-𝟰𝟯𝟳 𝗔𝗡𝗜𝗕𝗘𝗥𝗦𝗔𝗥𝗬𝗢 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗧𝗨𝗞𝗟𝗔𝗦 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗕𝗪𝗔𝗧𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗧𝗢𝗡𝗗𝗢
Noong Oktubre 26, 1588, nadiskubre ni Gobernador-Heneral Santiago de Vera ang planong pag-aalsa ng mga lakan laban sa pamahalaang kolonyal ng Espanya. Isa ito sa malalaking sabwatan upang tuligsain ang mga Espanyol bago maging tanyag ang pagbubuo sa Katipunan.
Ang sabwatan ay pinangunahan ng iba’t ibang personalidad mula sa mga naghaharing kamag-anakan sa Tondo. Ang Tondo ay pinalilibutan ng Malabon, Navotas, Sta. Cruz, Quiapo; Binondo, Intramuros at Malate. Nagsimula ang sabwatan sa nabuong ugnayan nina Martin Pangan na noo’y naakusahan ng pangangalunya, si Agustin de Legazpi sa akusasyong hindi pagbabayad ng bayarin habang siya ay gobernador ng Tundo, si Gabriel Tumbasan, ang anak niyang si Francisco Acta, at si Pitong Gatang.
Ayon kay Dionisio Fernandez, ang ugnayan nina Martin Panga at Agustin de Legazpi ay nagbunga ng pagpupulong na ang kunwaring dahilan ay ang pagbisita ni Legazpi kay Panga. Sa pulong, dumalo sina Surabao, Salalila, Manuguit, Salamat, Balinguit, Bassi, at Tuambasan; Amanicalao at Calao; Capolo at Salonga; Amarlangagui, Acta, at Omaghicon. Nilahukan din ito ng kanilang mga sakop— mga timawa at tagapaglingkod at kaalyado. Nagpulong sila sa loob ng tatlong araw na nakatago ang lihim na dahilan ng pagkikita-kita. Tampok sa pagpupulong ang pag-uusap patungkol sa pang-aalipin sa kanila ng mga Espanyol at pagkawala ng karapatan at kabuhayan. Dahil dito, nagplano silang lumaya sa kamay ng Espanya. Nagkaisa rin silang makipagtulungan sa mga kaaway ng kolonya na mangangahas na umatake rito: ang mga Hapones, ang hari ng Borneo, at manlalakbay na Ingles na si Thomas Cavendish.
Sa kabila nito, isang datu mula sa Calamianes, Palawan ang nagbunyag ng plano. Sinabi ni Antonio Surabao sa isang Espanyol na si Kapitan Pedro Sarmiento na nasa Calamianes sina Magat Salamat, Agustin Manuguit, at Juan Banal para sa layuning makipag-ugnayan sa hari ng Borneo at hikayatin itong lumahok sa plano at makipagtulungan sa mga datu ng Jolo at kay Datu Sumaelob ng Cuyo, na nangakong magpapadala ng 2,000 mandirigma sa pag-atake.
Dahil sa pagkakabunyag, hindi na nakarating sa Sultan ng Brunei ang kanilang mensahe ng paghingi ng suporta para sa sabwatan laban sa mga Espanyol. Inaresto ang mga dating datu, binitay at inilagay sa hawla ang mga pugot na ulo nina Agustin de Legazpi at Martin Pangan. Dagdag pa, kinumpiska ang kanilang mga pag-aari at sinabuyan ng asin ang kanilang mga lupain para manatili na itong tigang at hindi na matamnan. Binitay rin sina Magat Salamat, Omaghicon, Geronimo Basi, Phelipe Salalila, Esteban Taes, at Dionisio Fernandez. Kinumpiska ang kanilang mga ari-arian para mapunta sa gobyerno at pambayad sa gastos sa paglilitis. Pinatapon at ikinulong din sina Gabriel Tuambasan, Amarlangagui, Juan Banal, Pedro Balingit, Daulat, Dionisio Capolong, Manuguit at Luis Balaya.
Mga Sanggunian:
Crossley, John. 2018. "Dionisio Capulong and the elite in early Spanish Manila (c. 1570-1620)." Journal of the Royal Asiatic Society 28(4): 697-715.
https://doi.org/10.1017/S1356186318000172.
Kimuell-Gabriel, Nancy. 2014. "Ang Tundo ni Bonifacio, Si Bonifacio sa Tundo." Saliksik E-Journal 3(2): 26-78.
Santiago, Luciano. 1990. “The Houses of Lakandula, Matandá and Solimán (1571-1898): Genealogy and Group Identity.” Philippine Quarterly of Culture and Society 18(1): 39-73.
https://www.jstor.org/stable/29791998.
May saysay ang kasaysayan. Ikalat pa natin:
🖐 I-like at i-follow ang Project Saysay at Project Vinta
👉 Bisitahin ang
www.psaysay.org🤙 Usap tayo paano pa natin mapapalakas ang public history sa
[email protected]#pSaysay12
Linkback: https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=126426.0