Mangiyak-ngiyak sa sama ng loob ang isang ginang nang mahold-up ang perang inutang nito upang ipambili ng gamot ng naospital na asawa noong Miyerkules ng madaling araw sa Caloocan City.
Hinang-hina nang magtungo sa police station si Silvana Paragwa, 50, residente ng Sawata St. Maypajo, Barangay 35, ng nasabing lungsod, upang ipagbigay-alam ang nangyari sa kanya.
Kuwento ni Paragwa, kagagaling lang niya ng Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sa A. Mabini Street, Caloocan City at dinalaw asawa bandang alas 3:00 ng madaling araw.
Dumiretso siya sa Naval Pahrmacy na halos katabi ng ospital para bumili ng gamot. Ngunit hindi pa man nakukuha sa kanyang bulsa ang P1,000 na inutang sa kapitbahay, isang lalaki ang sumulpot at kaagad siyang tinutukan ng balisong sa tagiliran.
Walang nagawa ang ginang kung hindi ibigay ang nasabing pera pati na ang kanyang cell phone, sa takot na saksakin siya ng holdaper. – Orly Barcala.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=47416.0