2 ESTUDYANTENG DINUKOT, NAKATAKAS SA KIDNAPPER
(Vladi Eduarte)
--------------------------------------------------------------------------------
Dalawang grade 4 student ang masuwerteng nakaligtas mula sa tatlong lalaki na umano’y dumukot sa loob mismo ng kanilang eskuwelahan kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.
Sa kuwento ng mga biktimang sina Maribeth at Mary Jane, parehong sampung taong gulang at kapwa estudyante ng Baclaran Elementary School, dakong alas-2:30 umano ng hapon, habang naghihintay sa isa pang kaklase sa ground floor ng naturang eskwelahan ay nilapitan sila ng tatlong lalaki.
May hawak umanong gitara si Maribeth at pinipilit ng isa sa mga suspek na gitarahan sila ng mga bata.
Nang tumanggi ang mga biktima, agad daw na naglabas ng dalawang panyong puti ang mga suspek. May masangsang na amoy umano ang mga panyo na ipinaamoy at itinapal sa mukha ng mga bata hanggang sa makatulog ang mga ito.
Sa pahayag naman ng saksing si Melvin, classmate ng mga biktima kay SPO1 Carlito Nobleza, nakita umano niya nang isakay sa isang van ng mga lalaking naka-bonnet ang dalawang walang malay na ka-eskwela.
Ang van umano ay nakaparada sa likod ng kanilang paaralan sa Don Carlos St.
Sumakay umano ng jeep ang batang lalaki at sinundan ang van hanggang sa huminto ito malapit sa CCP Complex malapit sa Star City.
Nang bumaba ang mga lalaking sakay ng van at kumain sa malapit na karinderya, pasimple umanong lumapit si Melvin sa sasakyan, binuksan ito at nakita ang mga umiiyak na ka-eskwela.
Ayon naman sa biktimang si Maribeth, gising na umano sila nang bumaba ng sasakyan ang mga suspek ngunit nagkaroon lamang umano sila ng lakas ng loob na tumakas nang makita ang kaibigang si Melvin.
Isang lalaki umano ang nahingan ng tulong ng mga bata na naghatid sa kanila sa Barangay Hall ng Barangay Baclaran.
Matapos malaman ang insidente, agad na dinala ng mga barangay officials ang mga bata sa Parañaque Police Community Precinct 1.
Agad namang pinasadahan ng mobile ng PCP 1 ang CCP complex, ngunit hindi na nakita ang sinasabing van na gamit ng mga ito.
Ayon kay SPO1 Nobleza, posible umanong miyembro ng sindikato na nagbebenta ng mga bata sa mga foreigner ang mga lalaking dumukot sa mga bata.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=7782.0