Naging malaking inspirasyon para sa mga manggagawa ng Sorsogon City Water District at mga residente ng Local Government Unit ng Bulusan ang pagkakapili sa kanilang tanggapan at bayan bilang mga finalist sa isinagawang 2010 Regional Search for Outstanding National Government Agency (Non-Accredited Category) ng Civil Service Commission Region V kung saan personal na dumalo si CSC Commissioner Francisco Duque.
Tanging ang Sorsogon City Water District lang ang nakapasok bilang finalist mula sa grupo ng Government Owned and Controlled Corporation habang ang bayan naman ng Bulusan ang nakapasok mula sa grupo ng mga LGUs sa buong lalawigan ng Sorsogon.
Ayon kay Arpon Lucero, CEO VI at Director II ng Civil Service Commission Sorsogon Field Office, ginagawa ang nasabing regional search taon-taon upang bigyang parangal at pagkilala ang mga manggagawa at ahensyang patuloy na nagtatrabaho ng matuwid upang mas mapataas pa ang kalidad ng serbisyo sibil.
Bahagi din aniya ito ng 110th taong selebrasyon ng Philippine Civil Service na may temang "In a RACE to serve: Advancing Responsive, Accessible, Couteous and Effective Public Service".
Matatandaang noong 2004, kinilala na ang Sorsogon Water District bilang Outstanding National Government Agency ng Civil Service Commission at ginawaran din ito ng Service Excellence Award (Hall of Fame) noong 2003 bilang Outstanding Local Water District in the field of Personnel Management and Administration sa rehiyon ng Bicol dahilan sa tatlong sunud-sunod na taong kagalingan nito sa pamamalakad mula taong 2001 hanggang taong 2003. (PIA Sorsogon) [top]
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=32606.0