Hanggang kailan ang pagdamay?
Nais ko lang itanong kung marami sa ating OFW na minsan ay nagtatanong kung kailan matatapos ang ating pagdamay sa ating mga pamilya sa Pilipinas. Namimili ba kayo ng tutulungan, o dahilan ng pagtulong?
Naitatanong ko lang ito dahil sa aking kalagayan. Apat kami na magkakapatid, ulila sa ama, at ang aking ina ay matanda na.
Hindi ko na iisa-isahin kung ano ang tulong na nagagawa ko. Ang tanong ko ay responsibilidad
ko pa ba na maging maginhawa ang buhay ng aking dalawang kapatid at ang kanilang pamilya?
Tumutulong na ako sa pagpapaaral sa kanilang mga anak na nasa kolehiyo ngunit, ang aking ina ay parang hindi makuntento at malungkot na hindi kasing-tagumpay ang buhay ng dalawa niyang anak na nasa Pilipinas. Kaya naman ang perang padala namin sa kanya at pension niya ay nagagamit sa pagtulong sa kanila.
Alam ko na mahirap ang buhay sa Pilipinas, ngunit mahirap din ang buhay sa Amerika. Ang lagi kong dasal ay mapasaya ang aking ina.. Ngunit ano man ang gawin ko, hindi ko madama na masaya ang aking ina, lalong-lalo na sa aking kalagayan ngayon.
Palagi kong nararamdaman ang hinanakit niya na hindi ako lubos na makatulong sa lahat ng bagay sa kanilang kalagayan.
Alam ng Diyos na maraming pagkakataon na binigyan ko sila ng puhunan sa negosyo; binigyan ng bahay na matutuluyan. Ngunit tila hindi pa rin sapat at tila mas lalo silang naghihirap.
Ito ba ay dahil sa gobyerno, o dahil dumadami ang kategorya ng kanilang pagangailangan?
Mabigat sa dibdib ko na isipin na hindi maalwan ang buhay nila, ngunit mas mabigat isipin na alam ko na limited ang aking kakayahan na makatulong ng lubos lubos.
Masakit sa akin na makita at maramdaman ang labis na lungkot ng aking ina na hindi lahat ng anak niya ay matagumpay. Masakit din na maramdaman na hindi ma-appreciate ng aking ina ang aking tagumpay sa ibang bansa at tulong na aking naibibigay.
Wala mang sustento ang aking mga kapatid, pero sustentado ko ang aking ina, at dalawang pamangkin sa kolehiyo. May mga anak din ako na pinag-iipunan, may mortgage at may ibang pangangailangan dito.
Gusto ko mang magtrabaho ng extra para may maipadala, ngunit mahirap dahil sa aking responsibilidad sa aking mga anak at asawa.
Paano ko maiiba ang pananaw ng aking ina na kung kailangan ng mga kapatid ko ang tulong para maalwan ang buhay nila, mas kailangan ako ng aking mga anak para masubaybayan na tama ang kanilang paglaki.
Nahahati ako kung paano ko gagamitin ang aking oras: magtrabaho ng extra para masustentuhan sila gaya ng hiling ng aking ina, o gabayan ang aking mga anak sa kanilang sports at homeworks?
Saan magsisimula at magtatapos ang pagdamay sa pamilya sa Pilipinas?
Alam ng Diyos na kapag may emergency or ano man na kailangan sa Pinas ng malaking pera, lagi akong nagpapadala.
Paano ba ang mabuhay sa Pinas ngayon? Ang balita na nababasa ko ay minsan contradicting.
Kailan ba nating maituturo sa ating pamilya na hindi natin kailangan ang maraming bagay at teknolohiya para mabuhay ng marangal at maalwan.
Ako ay nalilito at nakukunsensya. Hanggang saan ang responsibilidad ko sa aking ina? Sa aking mga anak at asawa? Mahirap sa akin, sapagkat kung ina ko lang ang aking iniintindi, alam ko na maalwan ang kanyang buhay..ngunit isusubo na lang ng aking ina...ipamimigay pa niya sa iba.
Ang aking dasal ay ma-enjoy ng aking ina ang buhay na maalwan kung hahayan niya na ibigay ko sa kanya nag nararapat at para lang sa kanya.
Sana maliwanagan ang aking ina na ako ay ina rin, natatakot na mapabayaan ang aking mga anak at hindi masiguro ang magandang bukas para sa aking mga supling.
MST in Florida, USA
- GMANews.TVLinkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=6652.0