from ABS-CBN Interactive
Biyernes, Hunyo 08, 2007
Nanganganib mawala ang overseas Filipino workers remittances na tumutustos sa kabuhayan ng napakaraming Ppilipino.
Iyan ang mangyayari kung magtatagumpay ang mga ahensya sa Middle East na ipa-ban ang mga manggagawang Pilipino sa Gitnang Silangan.
Hindi lamang mismong mga gustong mag-domestic helpers at mga local recruiters ang nagpo-protesta ngayon laban sa desisyon ng gubyernong itaas ang minimum na sahod ng mga domestic helpers hanggang $400 kundi mismong mga Arabo na nagma-may ari ng mga malalaking recruitment agencies sa anim na bansa sa Gitnang Silangan.
Sa isang resolusyon na kanilang nilagdaan, nanawagan sila sa kani-kanilang mga bansa na ihinto na ang pagkuha, hindi lamang sa mga domestic helpers, kundi maging sa lahat ng uri ng manggagawang Pilipino sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Bahrain, Oman, Qatar at Kuwait.
Tinatayang may dalawang milyon ang mga OFWs sa Gitnang Silangan na nakakapag-remit ng $500 milyon o 24 na bilyong piso sa Pilipinas kada buwan.
Kahit na malayo daw na mangyari ito, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na agad na gumagalaw na ang gubyerno sa banta ng mga manpower agencies.
Si Labor Secretary Arturo Brion ay nakatakdang kausapin ang mga ministers of labor sa Gitnang Silangan sa kanyang pagdalo sa International Labor Organization meeting sa Geneva, Switzerland sa isang linggo.
Samantala, kinakausap naman daw ng DFA ang mga opisyal sa Gitnang Silangan para ipaliwanag ang $400 minimum wage ng mga domestic helpers.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=831.0