Higit na karespe-respeto ang taong nagkamali pero umamin ng kahinaan at humingi ng taus-pusong dispensa kaysa sa taong pilit na nagmamalinis kahit huling-huli na sa kasalanang ginawa.
Ang respeto ay isa sa pinakamahirap ibigay sa tao. Hindi ito nahihingi, hindi ito nabibili, hindi naiuutos at lalong hindi pwedeng iobliga. Ito'y makakamit na kusa – kahit mula sa estranghero – ng taong karapat-dapat tumanggap nito.
Nakakalungkot ang nangyayari sa ating Senado. Kaladkad na kaladkad na sa kahihiyan sa mundo sa nangyaring insidente ng plagiarism na inaakusa ngayon kay Senator Vicente 'Tito' Sotto III.
Mga dayuhang bloggers ang unang nagreklamo. Kinopya raw ng talumpati ni Sotto ang kanilang blog. Ngayon ay mismong anak na ni assassinated US Sen. Robert F. Kennedy ang nagsasabi na lantaran ang pangongopya ng Philippine senator na ito sa 1966 Day of Affirmation speech ng kanyang ama.
Dini-demand din ni Kerry Kennedy ang public apology ni Sotto dahil labis daw ang pagkakainsulto niya na ginamit ang mga salitang ito ng kanyang senador na ama bilang punto sa pagkontra sa paggamit ng contraceptive ng mag-asawa, gayong ang talumpati ni Sen. Kennedy noon ay bilang suporta sa human rights at hustisya. 'Distorted' o baliko at may halong panlilinlang (deceptive) daw ang pagkakagamit ni Sotto sa bahagi ng speech ng kanyang yumaong ama, sabi ni Kerry Kennedy.
Kahapon ay nag-sorry si Sotto, espisipiko sa mga Kennedy, kung nasaktan sila sa kanyang ginawa, sabay dugtong na, "but I never plagiarized."
Ano ang silbi ng sorry kung walang pag-ako ng kasalanan? Ano ang layunin ng paghingi ng dispensa kung ipinipilit pa rin ang kalinisan ng konsensya?
Mismong anak ng may-ari ng orihinal na talumpati, mismong mga may-akda na ng blog ang nagsasabi na kinopya sa amin 'yang talumpati ng senador sa kanyang argumento laban sa condom at pills, bakit hindi na lang aminin?
Dahil sa prinsipyo? Anong klaseng prinsipyo ang ipinaglalaban dito? Lahat naman ng tao nagkakamali. Lahat ng tao, may kapalpakan. Walang perpekto sa mundo. Walang karapatan ang sinuman na kumondena sa isang taong nagkasala, puwera na lamang kung siya ay hindi nagkasala kailanman.
Ang importante lang, kapag nagkamali ay may dignidad at may 'balls' na kilalanin ang naging pagkakamali at ihingi ito ng dispensa. Walang ligoy, walang palusot at walang pagmamalinis dahil kung hindi ay walang silbi at hindi katanggap-tanggap ang 'sorry'.
Hindi kailangang maging senador para magkaroon ng hiya at delikadesa. Mula sa bahay hanggang sa eskwelahan, itinuturo na sa mga paslit na mali at pangit na asal ang pangongopya at lalo na ang pagsisinungaling.
Pagkatao na ang nakataya rito. Lahat ng pagkakataon para itindig ang dignidad sa nagawang pagkakamali ay naibigay na, pero patuloy pa ring niyayakap ang nakakahiyang pagmamalinis.
Sana ay umaksyon ang Senado sa kahihiyang ito. Ang delikadesa ay hindi dapat ilubog sa saya ng 'immunity'.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=57712.0