Press Release: Taos pusong humihingi ng paumanhin ang buong pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pagkaantala ng byahe na naging resulta ng mahabang pila ng mga pasahero sa LITEX to Sandiganbayan at iba pang lugar sa Commonwealth Avenue kaninang umaga, ika-4 ng Abril 2022.
Agarang nagpatawag ng emergency meeting si LTFRB Chairman Martin B. Delgra III, matapos makatanggap ng mga ulat tungkol sa nangyari kanina. Ayon sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng ahensya, sa 510 buses na kabuuang numero ng awtorisadong units sa Route 5 (Angat to Quezon Avenue via Commonwealth), ay wala pang 50% na unit ang pinatakbo ng mga operator kaninang umaga kung kaya’t maraming mga pasahero ang walang nasakyan.
Patuloy pang iniimbestigahan ng ahensya ang nasabing insidente upang mapanagot ang operator sa nasabing ruta - United Mega Manila Bus Consortium, Inc (NAT Transport).
Samantala, magandang balita naman para sa mga mananakay ang muling pagbubukas ngayong linggo ng mga ruta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na may sumusunod na PUV denomination:
• Modern Public Utility Jeepney : 6 routes na may 158 units
• Traditional Public Utility Jeepney : 76 routes na may 4,135 units
• Modern UV Express Service: 1 route na may 19 units
• Traditional UV Express Service: 20 routes na may 2,783 units
Naniniwala ang LTFRB, sa pamamagitan ng muling pagbubukas ng mga ruta at pagpapatakbo ng mga karagdagang unit, ay mabibigyang solusyon ang kakulangan sa pampublikong transportasyon sa lugar na sumasaklaw sa mga rutang nabanggit upang matugunan ang hinaing ng mga mananakay.
news.mikeligalig.comLinkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=122069.0