Marami ang nakikisimpatya sa sinibak na hepe ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na si Prisco Nilo.
Bagama’t may malinaw na rason si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa pagsibak sa opisyal dahil makalawang beses na pumalpak ang ahensyang pinamumunuan nito sa pagbibigay weather forecast ay hindi pa rin tayo sang-ayon sa naging mabilis na desisyon nito.
Tama ang pag-aanalisa ng karamihan na hindi lamang ang sinibak na hepe ng PAGASA ang may pagkukulang sa kapalpakan ng ahensya at hindi ito lingid sa kaalaman ng Pangulo dahil mismong ito ay nakasaksi sa luma-luma at matatandang mga aparato ng PAGASA.
Sa katunayan ay nakaplano na ang pagbili ng gobyerno ng makabagong mga kagamitan ng PAGASA para lumapit sa katotohanan ang kanilang mga inilalabas na weather forecast na isang malinaw na pruweba na talagang pagkukulang sa aparato ng PAGASA para mabasa ang tunay na lagay ng panahon.
Pero siyempre, nakapagdesisyon na ang Pangulo. Naibaba na nito ang desisyong nagtatanggal sa pumalpak na opisyal at nakapagtalaga na ng kapalit.
Kaya sana nga, sa pagkakatalaga ng bagong pinuno ay wala na tayong kapalpakang maranasan dahil kung paulit-ulit itong mangyayari ay isa itong puntos para sa sinibak na hepe ng PAGASA dahil ibig lamang sabihin nito ay hindi sa liderato ang problema kundi ang lumang mga aparato sa PAGASA
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=31113.0