Press Release: Bagong Pinakamalaking Passenger Terminal Building sa buong Pilipinas, bubuksan na ngayong taon
Nagsagawa ng inspeksyon si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago sa Port of Calapan sa Oriental Mindoro na pinakamalaking passenger terminal building (PTB) sa buong Pilipinas na nakatakdang buksan sa darating na Marso ngayong taon.
Ayon sa kay Engr. Elvis Medalla, Port Manager ng PPA Port Management Office Mindoro, moderno ang bagong PTB at kalagayan ng mga tao ang kinonsidera dito. “Para talaga ito sa mga pasahero ng Calapan Port, nararapat lang na bigyan natin sila ng kalidad na serbisyo at world class facility na pwede nilang magamit habang nag-aantay ng biyahe” ani Medalla.
Ang pinakabagong PTB ay mayroong prayer room, breastfeeding station, children playroom, clinic, at modernong elevator at escalator na magagamit ng mga pasahero. Nagkakahalaga ang proyekto ng Php 353M at may target completion date na Pebrero 18, 2023 o 720 calendar days.
Ayon kay GM Santiago, malaking bagay sa pasahero ang malaking terminal dahil kaya nitong mag-accommodate ng 3,500 na pasahero sa kahit anong oras.
“Ako ay natutuwa na sa ating inspeksyon ay nakita natin ang progreso ng konstruksyon ng bago at pinakamalaking PTB sa buong Pilipinas na nasa Port of Calapan sa Oriental Mindoro,” ani Santiago.
“Ayon sa assessment ng Port Management Office ng Mindoro, ang completion rate ng ating PTB ay advance o ahead sa completion ng 17% at ito ay ating pasisinayaan sa Marso ngayong taon,” dagdag pa ni Santiago.
Ang bagong PTB ay magbibigay ng malaking kaginhawaan sa mga pasahero sa Calapan para mas maging kaaya-aya ang kanilang biyahe at maiwasan ang mahabang pila gaya nitong kapaskuhan.
* * *
Affordable Wordpress website host at
www.greengeeks.com Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=123910.0