TUBAGBOHOL.com with Ligalig Mike Ortega

Into Your Heart => Love Talk => Topic started by: Barbaro on June 26, 2007, 03:56:41 AM

Title: 50 Pesos Isang Oras
Post by: Barbaro on June 26, 2007, 03:56:41 AM


Isang araw, may isang lalaking gabi na umuwi ng bahay na pagod na
pagod at naiinis, nang maratnan niya ang kaniyang maliit na anak na
naghihintay sa kanya sa may pintuan.

"Tatay, puwede po bang magtanong?" "Sige, ano yon?" tugon ng ama.

"Tatay, magkano po ba ang kinikita ninyo sa isang oras?" "Wala ka na
roon… ba't ka ba nagtatanong pa ng ganyan, ha?" galit na sinabi ng
ama.

"Gusto ko lang po kasing malaman… sige na po, pakisabi n'yo na po
kung magkano po ba ang kinikita ninyo sa isang oras?" ang paki-usap
ng paslit.

"Kung kailangan mo talagang malaman ay nakaka-50 pesos ako isang
oras."

"Ah," tugon ng paslit habang nakayuko at lumingon paitaas sa kanyang
ama upang sabihin…

"Tatay, puwede po bang maka-utang sa inyo ng 25 pesos?"

Lalong nagalit tuloy ang ama.

"Kung ang dahilan lang ng pangungutang mo ay para makabili ka ng
walang kwentang laruan o walang katuturang ibang bagay, mabuti pa…
pumunta kang diretso sa kwarto mo at matulog ka na, at isipin mo
kung bakit ka nagiging makasarili."

"Nagpapakahirap akong magtrabaho araw-araw, wala akong panahon sa
ganitong pambatang kalokohan."

Tahimik na nagtungo ang bata sa kanyang silid at isinara ang pinto.

Naupo ang lalaki na lalong nagalit tungkol sa mga tanong ng paslit.

"Lintik na bata yon ah, magtatanong ng gan'un para lang makakuha ng
pera."

Makalipas ang higit sa isang oras, ang lalaki ay nahimasmasan at
nagsimulang mag-isip na masyado naman yata siyang naging marahas sa
kaniyang anak.

"Siguro mayroon talagang importan teng bagay siyang bibilihin sa
halagang 25 pesos... Kung sa bagay, bibihira naman siyang manghingi
ng pera, eh."

Kung kaya't ang lalaki ay nagtungo sa silid ng kanyang anak at
binuksan ang pinto nito.

"Tulog ka na ba, Anak?" tanong niya.

"Hindi pa po, Tatay. Gising pa po ako." tugon ng bata.

"Ini-isip ko na sobra naman yata ako sa `yo kanina, eh," ang sinabi
ng lalaki.

"Medyo napagod kasi ako maghapon, kung kaya't ikaw tuloy ang
nabalingan ko... O, heto na ang 25 pesos na hinihingi mo."

Naupo kaagad ang paslit habang nakangiting kinuha ang pera at
malakas na nagsabing, "Salamat po, Tatay!"

Pagkatapos ay mayroong ina-abot ang paslit sa ilalim ng kanyang
unan, at saka binunot ang mga gusut-gusot na pera

"Kasi po ay kulang pa po ang pera ko kanina… Pero, ngayon po ay
kumpleto na po," ang tugon ng paslit.

"Tatay, mayroon na po akong 50 pesos ngayon… Puwede na po bang
bayaran ko na lang po ang isang oras ninyo… para po… umuwi po kayo
ng maaga bukas, …kasi po, gusto ko pong magkasabay naman po tayong
kumain kahit po sana sa hapunan, eh."


Sa sinabing iyon ng kanyang anak, natigilan ang ama… dali-dali niyang niyakap ang kanyang anak!

Ipamahagi ang kuwentong ito sa mga taong nais ninyo… ngunit mas
mabuti pang ibahagi ninyo ang 50 pesos na halaga ng inyong panahon
sa mga taong mahal ninyo.

Ito ay isang munting paalala para sa inyong lahat na labis na abala
sa paghahanap ng ikabubuhay.

Hindi natin dapat hayaan pang makawala sa ating mga kamay ang mga
oras, nang hindi man lamang natin nabibigyan ng panahon ang mga
taong malapit sa ating puso
Title: Re: 50 Pesos Isang Oras
Post by: buenavista on June 26, 2007, 09:04:44 AM
 :'( :'( :'(nakakatouch naman
Powered by SMFPacks SEO Pro Mod | Sitemap
Mobile View
SimplePortal 2.3.7 © 2008-2019, SimplePortal