Ang karumal-dumal na pagpatay sa isang 20-anyos na cum laude graduate ng University of Sto. Tomas (UST) sa Cavite noong nakaraang linggo ay huling krimeng kinasangkutan ng tricycle driver.
Napakarami nang naunang krimeng ginawa ng mga halang-ang-kaluluwang trike drivers na bumibiktima sa mga 'unsuspecÂting' at walang labang pasahero. Hindi bale nga raw kung holdap lang dahil gamit lang ang nawawala. Gamit na puwedeng palitan at perang puwedeng kitain.
Pero ang karamihan ng mga krimeng ginagawa sa kaawa-awang mga pasahero – lalo kung babae – ay rape-slay. Bihira pa ang binubuhay ng mga salot na salarin dahil nga maisusumbong sila sa mga awtoridad at mahuhuli kung kanila itong bubuhayin.
Sa iilang minalas na mahuli, ang pangunahin naman nilang itinuturong may kagagawan ng krimen ay ang "bawal na gamot". Bangag daw sila nang gawin ang kahayupan sa biktima. Sabay hingi ng tawad kapag nahuli.
Hindi katanggap-tanggap na mawalan ka ng mahal sa buhay, lapastanganin at babuyin, katayin na parang hayop at saka sasabihin ng kriminal na tricycle driver na hindi niya alam ang kanyang ginagawa, na wala siya sa katinuan nang gawin ang kahayupan.
Tama na kawitin ng batas ang mga kriminal na ito. Tama na humingi ng katarungan sa pamamagitan ng prosesong legal. Napakasakit man sa pamilya, walang ibang paraan para makamit ang hustisya kundi ang idaan sa tamang proseso ng paglilitis ang lahat at ipaubaya sa pagpapasya ng hukuman ang kaso.
Pero merong magagawa ang lipunan, lalo na ang pamahalaan, para matigil na ang ganitong klase ng krimen na nangyayari at tila ordinaryong kaganapan na sa iba't ibang bahagi ng kapuluan.
Una, kailangang maghigpit sa pag-iisyu ng prangkisa sa mga tricycle. Pangalawa, kailangang dumaan sa seryosong screening at background check ang mga namamasada ng tricycle bago sila bigyan ng permiso. Maging ang mga rumerelyebo o esktrang driver, dapat ay kailangan ding mai-screen at mabigyan din ng permit.
Sa usaping ito, malaki ang maitutulong ng mga Tricycle Owners' and Drivers' Association (TODA).
Importante na kilala nila ang lahat ng namamasada sa kanilang lugar, may kaukulang identification card (ID) at permit at kung maaari ay may uniÂporme para sa mas madaling pagkakakilanlan.
Sa panig ng barangay at ng mga homeowners' association, partikular sa mga subdibisyon, makakatulong sa kaligtasan ng kanilang mga residente ang pagre-require ng random o sorpresang drug test sa lahat ng namamasada ng tricycle (regular driver man o relyebo).
Kailangan ang sama-samang pagkilos ng bawat sektor sa isang pamayanan para labanan ang mga salot na drug-craze trike drivers. Iligtas ang mga mahal sa buhay mula sa kanilang mga kahayupan.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=56584.0