Dahil sa success ng beki-serye na My Husband’s Lover ng GMA 7, gusto ni Carla Abellana na maging presidente ng fans club ng love team nina Dennis Trillo at Tom Rodriguez.
Kung may itatayo nga raw na love team na Tom-Den ay magpiprisinta siyang president.
Inamin ni Carla na mas may karisma sa manonood ang love team ng dalawa niyang co-actors. Tanggap ni Carla na naitsa-puwera na ang love team nila ni Tom ngayong mas tinatangkilik ng maraming televiewers ang love story ng huli kay Dennis.
Alam daw ni Carla na sa umpisa lang ie-establish na mag-asawa sila ni Tom at mabuting asawa ito at kapagkuwan ay iaalagwa na ito sa istorya naman nila ni Dennis. Pero malaking sorpresa kay Carla na tinanggap ng manonood ang unti-unting development ng love story ng dalawa.
Aware si Carla sa magandang feedback sa kanilang serye dahil siya mismo ay personal na nakakatanggap ng mga papuri mula sa kung sinu-sinong tao. Hindi nga lang daw mga bakla at tomboy ang nanonood sa kanilang serye kundi mga tunay na lalake, babae at maging mga nanay at mga matatanda.
Aminado si Carla na kahit man-to-man love story ang tinatalakay sa kanilang serye, kinikilig siya tuwing magkaeksena sina Tom at Dennis. Nawala raw ang kaba niya nung unti-unting nakakahakot ng malaking viewership ang kanilang palabas at lahat ay positibo ang mga komento tungkol dito.
So far, wala pa raw natatanggap na violent reactions o unfavorable comments si Carla mula sa mga manonood at alinmang sector o mga moralist.
Gulat nga rin daw siya dahil pati ang kanyang kasintahang si Geoff Eigenmann na pinagdududahan niyang panonoorin ang kanilang teleserye ay lagi na ring sumusubabay sa kanilang soap.
Ikinatutuwa ni Carla ang pagiging bahagi niya sa MHL dahil nakalusot ito sa ere at maituturing na breakthrough sa TV viewing ang pagtanggap ng mga tao sa ganitong tema ng love story. Dahil dito, mas lalong sumusuporta si Carla sa tinatawag na universal love o pag-ibig para sa lahat.
Ang unconditional love ay para sa lahat, mapa-babae o lalake, kaya hindi ito dapat husgahan.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=73553.0