Nauwi sa makatotohanan ang madugong larong DotA sa Internet matapos na magrambulan ang ilang kalalakihan sa lalawigan ng Zamboanga kamakalawa ng hapon.
Nangyari ang krimen sa bahagi ng Bgy. Victoria, Zamboanga City, na ikinasawi ng isang player at sugatan naman ang dalawang iba pa.
Sa report sa Camp Crame kahapon, kinilala ang nasawing si Rizaldy Salva, 22; habang sugatan naman sina Ricky Polinar, 30, at Percy Simer, 21, pawang mga residente sa nasabing barangay.
Nasa Tambayan Internet Café ang mga biktima nang magkagulo ang mga player sa nasabing cafe pasado alas-tres ng hapon.
Dahil sa pagkatalo sa larong DotA na hindi umano natanggap ng isang grupo ng player, nagkaroon ng katyawan at pikunan na humantong sa rambol.
Dahil sa mga palo, bugbog at saksak sa katawan ay nasawi si Salva.
Kaagad namang nahuli ng mga rumespondeng pulis ang dalawang suspek na nakilalang sina John Tatik at Dan Saavedra na responsable umano sa pananaksak sa mga biktima, habang pinaghahanap naman ang dalawa pang suspek na kagrupo ng mga ito.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=56013.0