by Carlo P. Canares
LAOAG CITY, Dec. 31 2010 (PIA) -- Ang mga higanteng Windmills ng Bangui, ang kauna-unahang wind energy project sa bansa. Ang Cape Bojeador lighthouse sa Burgos na tila nagmamatyag sa picturesque South China Sea. Ang mga naglalakihang coral formations sa Pangil Beach sa bayan ng Currimao. Ang dambuhalang sulfur rock formation ng Kapurpurawan.
Ang magandang bayan ng Adams at iba pang mga bayan sa lalawigan. Ang mga romantikong simbahan ng Sarrat, Badoc, Laoag at iba pa. Ang mga waterfalls, ilog, bundok at world class resorts. At sino ba naman ang hindi nakakaalam ng Saint Augustine Church ng Paoay na isang World Heritage Site at ng mapuputing beaches sa Pagudpud?
Ito ay ilan lamang sa mga pinagmamalaking kagandahan ng lalawigan ng Ilocos Norte. Mayaman kasi ang lalawigan sa man-made at natural resources. Bukod pa nito ay ang yaman sa kultura, tradisyon at warmth ng mga Ilokano. Ito ang mga dahilan kung kaya’t ang Ilocos Norte ay isa sa top 10 tourist destinations ng bansa.
Ang turismo ay isang industriya na malaki ang naiaambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa at mga lalawigan. Ito nga ay tinatawag na Engine of Growth. Layunin ng administrasyo ni Pangulong Benigno Aquino III na lumago pa ang turismo upang lumago pa lalo ang ekonomiya. Ito din ang isa sa priority projects ni Gobernador Imee Marcos para sa kanyang lalawigan.
Alam ng Gobernadora na sa malakas na turismo ay uunlad ang iba komersiyo, industriya, maghihikayat ng investors sa lalawigan at magdudulot naman ng mas maraming trabaho para sa taong bayan.
Inilalatag na ng masipag na Gobernadora ang blueprints para sa Ilocos Norte tourism master plan kung saan mas higit na pagagandahin ang lalawigan para sa mga local at foreign tourists. Kabilang na dito ay ang pagpapaganda ng Paoay Church plaza upang maging tourism center. Kasama din sa phase 1 ng master plan ay pagpapaganda ng Laoag International Airport kung saan magkakaroon ng mga karangdagang mga serbisyo kagaya ng shopping centers, restaurants at iba pa.
Puspusan na ang pagsusulong ng turismo ni Gobernador Marcos. Mas pinaganda at dinagdagan ng istraktura ang Museo Iloko na makikita sa Laoag City na pinamamahayan ng mga yamang kultura ng mga Ilokano. kamakailan ay binuksan ni Gobernador Marcos ang isang photography at painting exhibit. Ipinakita ng The Ilocandia Photographic Society ang kanilang mga litrato ng mga pinagmamalaking kultura at tanawin ng lalawigan. Gayudin ang grupo ng mga pintor sa kanilang mga obra.
Nito ngang kapaskuhan, ang Ilocos Norte ang itinanghal na “destination of the month” dahil sa Paskua mi ditoy: Christmas in Ilocos. Iba’t-ibang mga aktibidades ang inihanda ng lalawigan para sa mga Ilokano at mga bisita nila. Para sa mga adventure seekers at sports enthusiasts ay nagkaroon ng 4x4 sand race sa Sand Dunes sa Paoay, na isang geological monument. Maaari din dito mag-sand boarding at maganda ang Sand Dunes para sa photography at film shoots. Sa mga mahihilig kumain, matitikman ang mga masasarap ng lutong-Ilokano kagaya ng empanada, bagnet o chicharon, longganiza, pakbet, dinuguan pizza, pakbet pizza, at iba pa sa food fair. Mayroon din nagtanghal ng tribal dancing at traditional rituals. At makikita pa din ang world-class traditional belen o nativity scene na binubuo ng mga life-size na estatwa sa Paoay Church.."

Looking for website host? Cpanel, VPS, or Dedicated Server at
www.dedipath.comLinkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=123581.0