Lorna T reveals tearful moments with Daboy,
Humarap sa publiko para sa kanyang kauna-unahang live TV appearance ang maybahay ni Rudy Fernandez na si Lorna Tolentino sa The Buzz kahapon, June 8. Dito ay hindi na napigilan ni Lorna na ipahayag sa publiko ang kanyang tunay na damdamin sa pagkawala ng kanyang minamahal na asawa.
Ayon kay Lorna, sa Panginoon siya unang-una humuhugot ng lakas para maging matatag sa pangyayaring ito sa kanyang pamilya. "Pero ang pangalawa, mas nalalapitan ko siya [Rudy]," sabi ng aktres sa The Buzz co-host na si Cristy Fermin. "Siya ang nagbibigay lakas sa aming lahat. Siya ang nagbibigay ng pag-asa, yung courage na harapin kung anuman itong laban na nilalabanan niya."
Inamin ni Lorna na itinatago niya kay Rudy ang kanyang pag-iyak sa loob ng banyo.
"Mas madalas ganun. Madalas ganun kasi madalas din kapag meron siyang gustong sabihin sa akin, sasabihin niya agad, ‘Huwag kang iiyak.' So, talagang kailangan pigilan mo. So pagkatapos may panahon na, ‘Ah, sandali lang, punta lang ako ng banyo.' Yun yung time na talagang...sa pagligo ko, yun yung mga panahon na puwede talaga akong umiyak. Para paglabas wala na, naubos na."
Ibinahagi rin ni Lorna sa The Buzz ang mga paghahanda at huling habilin ni Daboy.
"Katulad nito, yung dito sa Heritage Park. Dinaanan namin ito nung pumupunta kami sa Asian Hospital. Hindi lang namin natapos agad yung...pero tiningnan namin ang buong kapaligiran and may mga kinausap na kaming tao. After that, umalis naman kami, pumunta kami ng Amerika. So nung pagbalik namin at nasa ospital siya [Rudy], sabi niya kausapin ko na ulit," lahad ni Lorna.
Sumundot ng tanong si Cristy kay Lorna kung yun bang pag-ikot nila sa Heritage Park ay bilang paghahanda nila sa paglalagyan ni Daboy.
"Ah, hindi," paglilinaw ni Lorna. "Ang iniisip namin pareho, mas mabibigyan pa siguro ng mas mahabang panahon dahil lahat naman ng tao nagpe-prepara. Without the idea alone na marami namang tao na pinaghahandaan dahil lahat naman tayo doon patungo, di ba? Siguro yun yung nagiging maganda, positibo ang pagtinigin namin sa paghahanap namin."
REVIVING DABOY. Nagbilin din daw si Daboy na sa kanyang huling hininga ay huwag nang pilitin na i-revive muli siya.
"There was ano kasi, sumobra yung...hay! Mahirap mag-rewind ano," kasunod ng pagbagsak ng hindi na napigilang luha sa mga mata ni Lorna.
"Kasi itong incident na sinasabi mo, this was the incident na nag-breakdown talaga ako sa kanya. That's the only time na talagang umiyak ako nang husto. Umiyak ako nang husto noon dahil nakikiusap ako sa kanya nung time na yun. Dahil yun yung sinabi niya... Nagkaroon siya ng congestion sa lung sa dami ng fluid na dumaan sa kanya.
"And then, sabi niya, ayaw daw niya [i-revive]. Sabi ko kasi, ‘May tanong ang mga doctor at sabi ko, kaya pa naman kitang kausapin. Ayokong magdesisyon dito sa bagay na ito.' Sabi niya, ‘Ano yung tanong?' ‘Ang tanong sa akin at ang tanong sa ‘yo, kung sakali man na masyado nang nahihirapahn ang lungs mo, bubutasan ka.' ‘Tapos, ang sagot niya sa akin, huwag na.
"Hindi niya gusto na mabubuhay siya sa ganung paraan. Mahihirapan pa raw kami lalo nang husto. Yun yung time na nag-breakdown ako. Sinabi ko sa kanya, ‘Huwag namang ganyan. Huwag mo namang gawin sa amin ito.' Dahil siyempre ang gusto ko, e, yung talagang, kumbaga, may paraan pa, di ba? Ganun siguro talaga ‘pag...alam naman nating siguro lahat na kapag mahal mo, hanggang sa huling-huling sandali, hindi mo gustong mawala sa ‘yo. Lahat gagawin mo.
"Ayun, sinabi ko nga na, ‘Huwag mo naman gawin sa akin ‘to. Huwag mo naman gawin sa amin ‘to.' And then, niyakap niya ako. And then, sabi niya, ‘O, sige na nga. Basta't huwag ka nang umiyak.' Pinagbigyan niya ako dahil umiyak lang ako. Pero kinabukasan, siguro mga after two to three days na okey na... Alam namin pareho na hindi na aabot ‘to. In-explain niya sa akin kung bakit niya mas nanaisin na huwag nang ipagpatuloy ang buhay niya sa ganung paraan dahil lahat daw mahihirapan," naiiyak na lahad ni Lorna.
THE MORNING AFTER. Hindi naman masagot pa sa ngayon ni Lorna ang tanong sa kanya tungkol sa paggising niya sa umaga na wala na si Daboy.
"Hindi ko pa talaga siya hinaharap sa ngayon," aniya. "Hindi pa ako umuuwi pagkatapos dahil tuluy-tuloy ako. Wala pang nababago sa bahay. Sa ngayon, dito [Heritage Park] kami natutulog ng mga anak ko. Kasama ko sila. Siguro yun yung talagang.... Dito lang yung apat na oras yung pinakamahabang tulog ko sa buong sandali na nagkasakit si Rudy na tuluy-tuloy."
Ikinuwento rin ni Lorna ang pagkakataon na humagulgol daw siya ng iyak sa harapan ni Daboy.
"Medyo mas...lumayo ako ng konti. Nakaupo ako doon sa may sofa na nakataas ang mga paa ko kasi wala na akong pakiramdam nung mga panahon na yun, parang hindi ko na kayang itayo. Nakikita ko na lang yung doctor na ginagawan ng paraan na alam ko nag-collapse na ang mga veins niya at hindi na talaga tumutulo yung dugo na ibibibigay sa kanya.
"Actually, it's a platelet, ‘no? And yung first unit noon, pumasok pa doon sa pinaka-port sa cut niya. But then, yung second one, ayaw na. Hindi na tinatanggap. So yun yung hindi ko na nakayanan. Talagang pinipigil ko na huwag umiyak. Pero yun yata yung pinakamasakit na pigilin mo kaya talagang nadinig niya kung gaano rin kasakit ang iyak ko. And then, tinawag niya ako, ‘Mama, Mama.' Ayun," salaysay ni Lorna.
DABOY'S FIGHT. Nagbigay rin ng mensahe si Lorna sa pagyao ni Daboy.
"Actually, dito kasi sa ano na ito, laban niya, lahat siguro kaming nagmamahal sa kanya, nandidiyan. Dito ko rin naramdaman kung gaano siya kamahal ng lahat. Marami ang tunay na nagmamahal sa kanya. Pati mga tagahanga niya na nandidiyan na patuloy na minamahal siya at naging kasabay din niya at kasama niya habang lumalaban siya dito sa...
"I mean, he's an action star and at the same time, sabi nila siguro ibang laban ang nilalabanan niya. Ang kalusugan niya at maraming makaka-relate na mga...imposible na hindi tayo nagkakasakit o isa sa atin merong pamilya natin ang may sakit. So, mas lalo sigurong naramdaman ng mga tao yung laban na tinatahak ni Rudy, e."
Sa paanong paraan niya gustong maalala si Daboy sa kanyang isipan?
"Alam ko kasi na... Siguro basta't ang alam ko, ako yung tao na nasa puso niya. Ako yung taong minahal niya. Sinasabi nga niya, ‘Ikaw ang nasa puso ko,' most of the time. And yun din siguro ang puwede kong... At alam niya sa puso niya na siguro maraming pagkakataon na may nangyayari sa buhay ng mag-asawa na dadaanan kayo. Pero sa huli, sa huling sandali, alam namin pareho na nasa puso namin ang bawa't isa," pahayag ni Lorna.
May tatlong huling mga salita si Lorna na sinabi bago namatay si Daboy.
"Sabi ko sa kanya at nasabi rin niya sa akin... Hirap na hirap na siyang magsalita nung madaling-araw na yun. Actually, nung six o'clock, that's the pinakamasakit na ungol na narinig ko sa kanya, na pinakamasakit siguro din para sa akin dahil alam ko na yun yung hirap na hirap siya, pero wala kang magawa.
"Siguro yun din ang pinakamasakit na makikita mo ‘pag mahal mo ang tao, gusto mo ibigay na lang sa ‘yo lahat. So, wala na, e. Wala kang magawa. Yung wala kang magawa, yun ang masakit.
"Sinabi ko sa kanya, "I love you Babe, I love you Papa.' And then, he tried his best, actually, naka-lift yung face niya at naka-ganun [nakataas ang bibig]. ‘Pag kasi hirap ka na, hindi ka na masyadong makasalita ng ano, parang yung tongue mo, medyo parang umuurong. And he really tried his best to say and to respond to me, and he said ‘I love you,'" pagtatapos ni Lorna. - Philippine Entertainment Portal
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=13204.0