Isa sa mga Pilipinong nagpakita ng katapangan, dangal at pagmamahal sa bayan sa harap ng pananakop na mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig si Chief Justice Abad Santos. Sa araw na ito noong 1942, sa maliit na bayan ng Malabang, Lanao del Norte, naging martir si Abad Santos sa edad na 56, nang binaril siya sa harap ng firing squad sa pamumuno ni Heneral Kiyotake Kawaguchi, pagpatak ng 2:00 ng hapon.
Bago siya barilin, binigyan siya ng huling pagkakataong makasama ang kanyang panganay na anak na si Pepito, at sinabi pa niya sa kanyang umiiyak niyang anak ang mga katagang, "Isang karangalan ang mamatay para sa bayan. Hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon". Matapos barilin nang nakatayo sa puno ng niyog sa tabing-ilog, inilibing si Jose Abad Santos sa isang hindi pa matukoy na libingan hanggang ngayon, kaya hindi na nahanap ang kanyang mga labi.
Ika-17 ng Marso, 1942 nang italaga ni Pangulong Manuel Luis Quezon si Chief Justice Abad Santos bilang acting President ng mga lugar sa bansa na hindi pa naookupa ng mga Hapones. Ito ay matapos magpaiwan si Abad Santos sa ating bansa nang inanyayahan siya ni Pangulong Quezon na umalis ng bansa. Pero noong ika-11 ng Abril, nahuli ng nga sundalong Hapones sa bayan ng Barili, Cebu si Abad Santos, ang anak niyang si Pepito, Koronel Benito Valeriano at dalawang sundalo. Hinimok ng mga Hapones na umanib sa kanila si Abad Santos, pero tumanggi. Kaya humanap ng maibibintang kay Abad Santos para ipapatay ito. Inakusahan siya nang pagsira sa mga mahahalagang gusali at mga tulay sa Cebu para mahirapang makapasok ang mga Hapones doon. Mula sa barko, hinatid sina Abad Santos sa Parang, Cotabato at saka dinala sa Malabang.
Matapos ikulong doon sa loob ng dalawang araw, hinatulang mamatay si Abad Santos sa isang mabilisang paglilitis dahil sa mga nasabing akusasyon, na maluwag sa loob niyang tinanggap. Tubong-San Fernando, Pampanga noong ika-19 ng Pebrero, 1886, si Jose Abad Santos ay naging kalihim ng Katarungan mula 1928 hanggang 1941, at naging Associate Justice ng Korte Suprema, at nang sumiklab ang digmaan ay itinalaga pang Punong Mahistrado noong Disyembre 1941.
Sanggunian:
• Wikipedia (n.d.). Jose Abad Santos.
https://en.m.wikipedia.org/wiki/Jos%C3%A9_Abad_Santos#SulyapSaNakaraan
#JoseAbadSantos #FilipinoMartyr #PhilippineHistory #SocSciclopedia
* * * * * * *
Avail of easy and fast online loan at
www.tala.com Philippines
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=122182.0