... By dzmm.com.ph | 21:12 PM 11/25/2012
Inirekomenda na ng Makati City Police District na sampahan ng kasong murder ang apat na suspek sa pagpatay sa isang Amerikano sa Bel-Air Subdivision, Makati City.
Pinagsasaksak si George Anikow, 41-anyos, isang marine officer na nasa inactive status habang ang asawa nito ay nagtatrabaho sa US Embassy sa Maynila.
Kinilala naman ang mga suspek na sina Juan Alfonso Abastillas; Crispin Dela Paz, 24-anyos; Osric Cabrera, 27-anyos na pawang mga negosyante at Galacino Datu III, 22-anyos na isang estudyante.
Sakay ang mga suspek ng isang Volvo na may plakang TOJ 866 nang makialam umano ang Amerikano sa pagsita ng gwardya sa mga ito.
Nagkainitan umano at lumabas ng sasakyan ang mga suspek na nauwi sa suntukan hanggang undayan ng saksak ang Amerikano.
Batay sa imbestigasyon, tumakbo pa umano ang Amerikano ngunit nahabol ng mga suspek at inundayan pa ng saksak, dahilan upang kakitaan ang intensyon ng pagpatay, ayon kay Senior Supt. Manuel Lucban ng Makati Police.
Nahuli naman ang mga suspek matapos ang gulo.
Nasaksak si Anicow ng isa umanong tactical knife na nakuha sa mga suspek.
Hindi naman malinaw ang kuha ng closed circuit television (CCTV) camera sa insidente. Report from Ricky Velasco, Radyo Patrol 39
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=59831.0