4 patay sa pag-atake ng NPA sa istasyon ng pulis sa Davao Del Sur
Report from May May Benedicto, DZMM Correspondent
(UPDATE) Apat ang patay matapos atakehin ng mga miyembro ng New People's Army (NPA) ang istasyon ng pulisya sa Matan-ao, Davao Del Sur, Lunes ng madaling araw.
Ayon kay Matan-ao Mayor Vicente Fernandez, alas-5:00 ng madaling araw nang pasukin ng nasa 100 rebelde ang police station na sinundan ng engkwentro.
Mula umano sa Front Committee 51 at 54 ng NPA ang mga sumugod na rebelde.
Matapos ang engkuwentro, napatay sina SPO3 Manolo Book at SPO3 Danny Mualang.
Hindi pa naman nakikilala ang tatlong sugatang pulis.
Ayon kay Police Regional Director, Chief Supt. Wency Pascual, dalawang bangkay naman ng NPA ang narekober ng 39th Infantry Battallion habang tinutugis ang grupo sa liblib na bahagi ng Talaytay, Matanao.
Iniwan ang mga bangkay ng mga kasamahan habang papatakas ang mga ito sa kabundukan.
Patuloy ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at mga rebelde partikular sa bahagi ng Akbang, Matan-ao.
Mayroong ulat na ilang sundalo na ang nasugatan sa engkwentro matapos masabugan ng landmine ang isang trak ng rumerespondeng sundalo.
Naka-full alert ngayon ang PNP at AFP sa Davao Del Sur para mapigil ang mga posible pang pag-atake.
Nagdeklara na ang alkalde ng suspensyon ng klase sa pre-school hanggang high school at maging sa trabaho sa bahagi ng lungsod.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=77900.0