Press Release
DOTr HINIMOK MAGBIGAY AMNESTY SA COLORUM PUVs Nagpanukala si AASENSO Party-list Representative Teodoro G. Montoro na dapat maglatag ng kaakit-akit na amnesty program ang gobyerno sa mga operator ng colorum na jeep, bus, UV, express, at taxi, na kakagatin kahit pa ng mga kritiko ng PUV modernization.
Sa September 25 at 26, nakatakdang magsagawa ng tigil-pasada ng ilang transport groups para tutulan ang planong jeepney phase out ng Department of Transportation na bahagi ng modernization plan ng ahensiya.
Ideya ni Montoro na kasapi ng House Committee on Transportation: Dapat may probisyon ang amnesty program na oobliga sa lahat ng operator ng colorum units na isuko sa gobyerno ang lahat ng colorum units para mapalitan ito ng mga electric at environment-friendly na mga sasakyan.
Ang mga amnesty-covered na colorum units na maayos pa nag kalagayan ay ido-donate ng gobyerno sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa mga probinsya sa labas ng metro-cities para mapakinabangan ng mga estudyante at mga guro.
Iyon naman mga bulok at kakarag-karag nang colorum units ay kakatayin at pipiyesahan at ilalagak ang mapagbebentahan sa kaban ng gobyerno.
May hypothetical na scenario pang isinalaysay si Montoro para ipaliwanang ang kanyang ideya:
May tatlong kolorum na sasakyan si Mang Nanding – isang UV express, isang bus, at isang jeepney. Ang UV express at bus ay maayos pa at ipinapasada pa kahit ilegal. Pero ang jeepney ay nakumpiska at naluma na sa impounding area at matagal nang di natutubos ni Mang Nanding.
Kapag nagbigay na ng amnesty ang DOTr, maaari nang isuko ni Mang Nanding sa gobyerno ang pagmamay-ari ng kanyang mga kolorum na sasakyan at papalitan naman ito ng gobyerno ng electric vehicles.
Bababayaran na lamang ni Mang Nanding ang diperensiya sa presyo ng kanyang tatlong amnesty-covered vehicles at ng mga bagong electric vehicles. Maaari pang magbayad si Mang Nanding sa DOTr nang hulugan para maging magaan sa kanya ang pagbabayad.
Dahil din sa amnesty, hindi na kakasuhan ng gobyerno si Mang Nanding dahil sa colorum violations niya. Legal nang magagamit ni Mang Nanding sa pamamasada ang mga bago niyang electric vehicles.
Yung UV express at bus ni Mang Nanding na nakuha ng gobyerno ay ibibigay sa mga SUCs; habang ang bulok na jeepney ay pipiyesahan at babakalan na lamang at ang mapagbebentahan ay mapupunta sa kaban ng bansa.
“Ang nasabing amnesty ay epektibong diskarte para matanggal ang libu-libong mga colorum at road unworthy na mga sasakyan na bumibyahe pa rin sa metro-manila at mga urban areas. Luluwag na ang trapiko, mababawasan pa ang air pollution,†sabi ni Montoro, kinatawan ng party-list para mga manggagawa.
“Ang panukala kong amnesty program ay lulutas din sa transportation problems ng malalayong SUCs. Ang mga isusukong roadworthy na sasakyan ay maaaring ipanghatid at sundo sa mga estudyante at propesor sa mga kanayunan na nagbibyahe pa nang malayo para lamang makarating sa eskwelahan,†giit ni Montoro na isa din sa mga may-akda ng House Bill 6112 or Public Utility Vehicle Monitoring Act, isang panukalang umaayon sa modernization plan ng DOTr.
“This set of solutions hits three birds with one massive stone,†pagwawakas ni Montoro sa kanyang pahayag.
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=87448.0