Pagpapasabog sa Lamitan kinondena ng Pangulo
by CL Cadorna
Koronadal City (31 August 2005) -- Mariing kinondena ni Pangulong Arroyo ang pagpapasabog ng isang sasakyang pandagat sa Lamitan, Basilan kamakalawa na ikinamatay ng isang bata at pagkasugat ng 30 katao. Ayon sa Pangulo ang insidente ay isang kalunos-lunos na krimen laban sa kapayapaan at sangkatauhan.
Base sa salaysay ng ilang saksi at ng mga imbestigador, ang bomba na gawa sa isang improvised explosive device ay inilagay sa canteen ng MV Dona Ramona. Itinaon ang pagsabog nito habang papaalis na ang lantsa sa daungan ng Lamitan patungong Zamboanga City.
Kasabay nito, iniutos ng Pangulo sa mga security forces na tukuyin at dakpin ang mga may kagagawan nito. Lubos na ikinalungkot ng pangulo ang sinapit ng mga inosenteng pasahero kung kaya’t tiniyak niyang mabigyan ng sapat na atensiyon ang mga biktima.
Nagbabala din si Pangulong Arroyo na hindi tatantanan ng pamahalaan ang ganitong uri ng mga gawain ng terorista tulad din ng kanyang determinasyong isulong ang kapayapaan at kaunlaran ng bansa sa gitna ng mga banta sa seguridad nito.
Dala ng mga sunod sunod na pangyayari, itinaas din ang antas ng seguridad sa mga ciudad ng Koronadal, Cotabato , Tacurong, Kidapawan, General Santos at mga lalawigan ng Central Mindanao upang mapigilan ang masasamang balak ng mga terorista na maghasik ng takot sa mga mamamayan. (PIA)
Linkback:
https://tubagbohol.mikeligalig.com/index.php?topic=88310.0